saksi ([info]saksi) wrote,
@ 2009-01-01 08:35:00
Previous Entry  Add to memories!  Tell a Friend  Next Entry
Nang inidolo ko ang 'tambalang hindi mapapantayan'

Kanina at kahapon, tinapos ko ang 24 Oras. Matagal ko na iyong hindi nagagawa. Noong kolehiyo, nawalan ako ng oras; ngayon sa trabaho, siyempre tutok dapat sa sariling atin.

Nagkataong nabasa ko uli kanina ang mga testi ko sa Friendster. Iisa ang tema nila: "siya ang number one fan nina Mike Enriquez at Mel Tiangco." Totoo naman. At kahit alam nating tagabasa lang sila ng teleprompter, malakas kasi ang dating nila. Sa totoo lang, malaking dahilan sila at ibang mga taga-GMA na inidolo ko kung bakit media ang pinili ko.

Kaya rin yata hindi ako sintangkad ng inasahan ko--high school pa lang, gabi-gabi na akong puyat sa panonood ng balita. Nanood na ng Saksi, manonood pa ng Frontpage. At inabangan ko mula sa mga programa ni Cheche Lazaro, na todo ko ring inidolo (Cheche Lazaro Presents tuwing Linggo, puwera tuwing ikalawang Linggo ng buwan, kung kailan pumapalit ang palabas ng isang manghuhulang di ko na matandaan ang pangalan; mga I-Witness niya tuwing Lunes; at The Probe Team tuwing Martes) hanggang sa palabas ni Jessica Soho tuwing Miyerkules at Debate tuwing Huwebes (puwera Emergency).

(At dahil diyan, dumayo pa ang I-Witness sa bahay ko ilang taon na ang nakararaan, para sa special nila tungkol sa mga fan daw nina Kara David at Howie Severino: isa raw ako. Waha!)

Wala naman akong malalim na punto rito. Hindi rin sa gusto kong maging Kapuso. Ngayong unang araw ng bagong taon--na talaga naman, pulang polka dots na Chinese na Chinese at matronang matrona ang suot ni Tita Mel--na-senti lang ako sa mga unang inidolo ko, na nagbigay sa akin ng ideya na pasukin ang media.




Create an Account
Forgot your login or password?
Login w/ OpenID
English • Español • Deutsch • Русский…